STANZAS OF STILLNESS
Photo by Dylan Yap Gozum. Alan Fraser Activity Center.
Minsan ako'y tumambay sa canteen ng SPI
Doon sa may computer ako'y nagnilay-nilay
Dinukot ko ang isang silya at sa pila humanay
Pinagmasdan ang mga tao habang naghihintay
Maya't maya pa'y isip ko'y nagka-pakpak
Pumaroo't pumarito may indayog ang lipad
Samut-saring paksa ay kanyang kinalap
At sa mg talata aking ilalahad
Nagpapaligsahan ang tunog ng mga audio
Patuloy na nababasag ang katahimikan ng kanto
Tili at mga sigaw ng magagaspang na musiko
Siyang pinagpipistahan ng mga empleyado
Sa dulo ng cafe, isang lalaking mataba
Bilugan ang mukha, imahe ng isang ama
'Di pa rin makalimot sa hilig pambata
Kaya sa "cartoons" sumusulwak ang tuwa
Si Ining, di rin mapakali sa kanyang "Friendster"
Walang tigil na pinalalakbay ang sampung daliri
Sa mga pepeng letra ng keyboard ng computer
Daig pa ang kapilyuhan ng isang tenedyer
Kanyang pinagtabi-tabi sangkatutak na larawan
Bawat isa'y binubuksan, walang katapusan
"Maghapon man na sila ay tititigan
Sa ugali pa rin makikilala ang kaibigan"
Friendster, anime at mga musikang pasigaw
Ang nagpapagalaw ng kanilang mundo araw-araw
Sapat na ba ang isang dipang tanaw?
Malawak ang mundo, ikaw ay gumalaw
di mo man lamang subukang sulyapan
Ang mga balitang de-pakpak; nagliliparan
At mga kaalamang 'pinupunla ng mga paham
Na siyang humuhubog sa mga bubot na isipan
Iba na ba talaga ang mga tao ngayon
Wari'y tinatawid ang buhay nang paurong
Patulo'y na tumatakbo ang ating panahon
Huwag magpaiwan, ikaw ay bumangon.
________________________
Emil Bombita is a Journalism graduate of Bicol University. He joined the Writers Guild early this year as a member of the Circle of Poets. He is currently connected with SPi Legal.
Photo by Dylan Yap Gozum. Mall of Asia.
ako ito
rock 'n' roll umaga't gabi,
inuman t'wing may pagkakataon,
joke time kaliwa't kanan,
yosi dito, doon at kung saan-saan:
oo ako ito.
payo para sa mga kaibigan,
tulong sa mga nangangailangan,
magtratrabaho hanggang di na kaya,
mga sekreto na kailanman di ilalabas:
oo, ako ito.
ubo't sakit ng ulo,
butong nagtutunugan na parang orkestra,
pilay sa kung saan-saan,
puyat hanggang makakaya:
oo, ako ito.
lungkot na di mailabas-labas,
luha na tumutulo lamang sa diwa,
mga hinaing sa aking isipan,
at sugat sa puso't isipan:
oo, ako ito.
sa bawat tawa, merong iyak;
sa bawat lungkot, merong saya;
sa bawat tagumpay, may kabiguan;
sa bawat sugat, may ginhawa;
bago husgahan, mawari'y isipin muna
kung kilala mo nga bang tuluyan... ako.
— Wize, 08/05/2006
_________________________
WIZE, Resident Poet of the Writers Guild, is a Software Engineer at SPi CAiS.
No comments:
Post a Comment