Sunday, September 10, 2006

POETRY OF, BY, AND FOR THE PEOPLE

Pobreng Kidney

Isang sakong bigas, isang bayong na asin,
isang kartong Lucky Me, at isang sakong daing—
pasalubong ni Daddy matapos ipagbili
sa presyong singkwenta mil ang kanyang isang kidney.

Yeheey! O Lord! Sa wakas!
Kakain na rin kami!

Kaya’t
dinamihan ko ang kain
ng natural naming pagkain—
kanin at asin.
At mamayang hapunan
ay dadamihan ko rin ang kain
ng epesyal naming pagkain—
kanin at daing.
At bukas sa almusal-pananghalian
ay dadamihan ko rin ang kain
ng pampyesta naming pagkain—
Lucky Me’t kanin.

Nang ako’y mabilis tumubo’t lumaki
at maibenta rin ang isa kong kidney—

Para masigurong ang anim kong utol,
pati na si Mommy, si Lola’t si Baby
ay makakanguyang hindi kukulangin
sa kanin, sa daing, sa Lucky Me’t asin.





Photos by Dylan Yap Gozum. Intramuros, Manila.

Pobreng Patay

Kailan pa kaya ako mamamatay
nang may makain ulit kami?

Kasi nung ma-gang-rape si Ate
habang nagtitinda ng sampagita,
tatlong linggo kaming busog
dahil tatlong linggo rin ang lamay.

Bukod sa malakas ang kita sa abuloy,
malakas rin ang kita ng tong
sa Lucky 9, tong-its at mahjong.

Nabayaran ni Nanay ang utang sa tindahan.
Napaawit si Tatay sa gabi-gabing tagay.
Nakamtan ng anim kong kapatid ang mga pinapangarap na biskwet.
Nag-enjoy ang barangay sa kapeng walang humpay.

Pero dahil mag-iisang taon nang patay si Ate,
lahat na yata kami ay mamamatay na sa gutom.

Pero di bale,
hihigitan ko pa ang kay Ate’ng naibentang mga sampagita
nang ako’y makaipon ng pambili ng sariling kabaong
at nang may makain ulit kami sa makokolektang tong.

____________________________
Alexander de Juan is the Writers Guild's Poetry Editor. He is a Fellow of the 23rd U.P. National Writers Workshop and has received two national awards for his poetry, one from the National Commission for Culture and the Arts, and the other from Home Life publications. His poems appear in publications by the Cultural Center of the Philippines, the National Commission for Culture and the Arts, Philippine Graphic, Home Life and other poetry journals. He is the senior English Editor at HDI.

No comments: