Tuesday, November 21, 2006

TWO SHORT STORIES by ALMA EVITA MANIAGO


Bangkang Papel

Isang umaga, nakita ako ni Lolo Tasyo na nakalugmok sa may bintana habang tinutunghayan ang mga patak ng ulan sa labas ng aming bahay.

“Apo, bakit ka nariyan sa may bintana?" saad ni Lolo. “Giginawin ka riyan. Pumarito ka muna sa sala,” dugtong ni Lolo habang inuuga ang lumang tumba-tumba.

“Kasi po Lolo nakakalungkot kapag umuulan,” ang sagot ko sa kanya.

Nilapitan ako ni Lolo. Hinawakan ako sa balikat at umupo kami sa silya. Kinandong ako ni Lolo at tumunghay din siya sa labas.

“Alam mo Josh, hindi ka dapat malungkot kapag umuulan,” ang pag-uumpisa ni Lolo na alam kong kukuwentuhan na ulit ako para hindi ako mainip. “Ganyan din ako nung bata ako. Akala ko kasi hindi na matatapos ang ulan,” si Lolo ulit.

“Eh lolo, hindi kasi ako makapaglaro kasama ang mga kaibigan ko kapag umuulan.”
Ngumiti lang si Lolo at tumingin sa mga patak ng ulan na parang may naaalala.

“Alam mo bang maraming magsasaka ang naghihintay ng ulan para sa mga pananim nila?” ang tanong ni Lolo pero ang ulan pa rin ang nasa isip ko.

“Halika, kumuha ka ng papel at may gagawin tayo,” ang utos ni Lolo. Napansin siguro niya na malungkot pa rin ako.

Dali-dali naman akong humanap ng papel. Nang may nakita na ako, tumakbo ako sa inuupuan ni Lolo at ibinigay ko ang papel.

Kinuha ni Lolo ang papel at agad itiniklop ito nang dahan-dahan.

“Lolo, ano po ba ang gagawin niyo riyan sa papel?” ang tanong ko kay Lolo na halatang sabik na akong makita ang kalalabasan nito.

“Saglit lang apo, matatapos na rin ito,” ang sagot ni Lolo habang tinitiklop ang papel.

Sa wakas tapos na ang pagtitiklop ng papel at iniladlad ito ni Lolo. Pinapikit niya ako na parang may madyik siyang gagawin.

“O, apo, ibukas mo na ang iyong mga mata,” sabi ni Lolo.

Dagli kong ibinukas ang aking mga mata. Namangha ako sa aking nakita. “Wow! bangka!”

“Ito ay bangkang papel, apo. Ganito ang ginagawa namin kapag umuulan,” si Lolo.

“Lolo tara, laruin na po natin ang bangka,” at umupo ako sa sala.

“O, apo! hindi diyan gagamitin ang bangkang papel,” ani Lolo.

Inakay ako ni Lolo palabas. Pawala na ang ulan. Sa may bakuran, may dumadaloy na tubig-ulan.

“Halika, apo! Ganito ‘yan,” at binitawan ni Lolo ang bangkang papel sa dumadaloy na tubig. Dinala ng agos ang bangkang papel na ginawa ni Lolo. At ilang minuto pa ang lumipas at malayo na ang bangkang papel. Nakangiting tiningnan ko si Lolo at sinusundan pa rin niya ng tingin ang bangkang ginawa.

“Lolo...” ang sabi ko habang hawak ko ang kanang kamay niya.

“Naiintindihan ko apo. Ganyan din ako noon. Nanghihinayang din ako sa bangkang aking binitawan at pinaagos. Pero masaya di ba?” ang sabi pa ni Lolo na parang nabasa niya ang nasa isipan ko. Pumasok na kami sa bahay na nasa isip ko pa rin ang bangkang papel.

“Halika,” ang sabi ni Lolo. May papel pa siyang dala-dala. Gumawa ulit si Lolo ng bangkang papel. Itinuro na sa akin ni Lolo ang paggawa nito– inisa-isa niya ang pagtiklop hanggang sa ako’y matuto.

“Hayan, marunong na po akong gumawa Lolo. Salamat po!” at dali-dali akong lumabas ng bahay at pinaagos ko ang bangkang papel. Wala na ang ulan sa labas ngunit may mga tubig-ulan pa ring umaagos.

Salamat kay Lolo at hindi ako nainip. At sa tuwing uulan, gagawa kami ni Lolo ng bangkang papel. Nakakapaglaro ako nang hindi man lang nababasa sa ulan. Sabi ni lolo tuturuan din niya akong gumawa ng eroplanong papel.

CHINESE GARTER

Sa isang tipikal na kumunidad sa Malabon, may nakatirang dalawang pamilya na magkasalungat ang estado sa buhay. Ang pamilya ni Dio Alcantara at ni Marina Ramos.

Si Marina bilang empleyado ng gobyerno ay simple lamang ang estado sa buhay. Bagamat hindi nakapagtapos sa pag-aaral ay sinuwerte namang natanggap sa trabaho bilang klerk sa Munisipyo ng Malabon. Nakatira siya sa maliit na tirahan kasama ang anak na si Jose o mas kilala sa tawag na Pepe. Salat sila sa pinansiyal na kahit ang bubong ng kanilang tahanan na tumutulo sa tuwing umuulan ay hindi man lamang maipagawa. Ang kaniyang sinasahod ay tamang-tama lamang sa pang-araw-araw nilang mag-ina. Mag-isa nang binubuhay ni Marina si Pepe sa kadahilanang hindi siya pinanagutan ng kanyang kasintahan sampung taon na ang nakakaraan.

“Nay, ang ganda ng bahayt ng nasa kabila, ano? Sana ganon din ang bahay natin”, saad ni Pepe habang nakatunghay sa malaking bahay malapit sa knila. “Paglaki ko Nay, magiging Arkitekto ako at magpapatayo ako ng bahay para sa ating dalawa.”, pagdurugtong ni Pepe.

“Balang-araw anak, magkakaroon din tayo ng ganyan. Kaya mag-aral ka ng mabuti at magtapos sa pag-aaral.Huwag gayahin ang nanay na third year lang sa kolehiyo ang natapos.”, si Marina .

Sa kabilang dako pa roon ay ang pamilya ni Dio na may mataas na ranko sa Militar. Isang tao na kahit sinasalungat ng ibang tao’y nanatili parin sa prinsipiyong kinagisnan. Mabait na opisyal ngunit istrikto pagdating sa trabahong kinagiliwan. May pangarap na magkaroon ng kapayapaan sa bansa kahit alam niyang imposible ito. May kaya ang pamilya ni Dio. Maayos ang pamumuhay at nakapagpatayo na rin ng bahay para sa kayang mag-ina. Ngunit sa karangyaang tinatamasa, hindi lubos maisip ni Dio na may isang trahedyang mangyayari. Pinatay ng mga holdaper ang kanyang asawa pagkatapos itong pagnakawan. Halos bumagsak ang mundo ni Dio.

Sa pangyayaring iyon, hindi na napagsidlan ng atensiyon ang kaisaisang anak na naiwan sa kanya ng yumaong asawa, si Melai. Anim na taon pa lang at kasalukuyang pinapaaral sa isang ekslusibong paaralan. Naibibigay ang lahat ng pangangailangan ngunit namulat sa disiplinang pinapairal ng ama. Sa murang edad ni Melai hindi man lang niya naranasang makipaglaro sa ibang mga batang naninirahan sa kinabibilangang kumunidad.

Isang araw, sa pagdadalamhati ni Dio sa pumanaw na asawa, hindi niya namalayang lumabas si Melai sa gate ng kanilang bahay. Abala siya sa pagtitig sa larawan ng asawa.

Masayang naglalaro sila Pepe ng Makita niya ang isang batang babae nakatunghay sa kanila sa di kalayuan.

“Bata! Sama ka sa laro namin!”,pag-anyaya ni Pepe sa natanaw na bata. Tunango ang batang babae tanda ng pagsangayon. Halatang sabik itong makipaglaro sa ibang bata. Isinama siya sa ibang batang babaeng nagsisipagluksuan.

“Melai!”, pasigaw na tawag ni Dio nang matuklasang nakikipaglaro ang anak sa mga anak ng kapitbahay nilang mahihirap. “Pumasok ka sa loob ng bahay at huwag kang makipaglaro sa mga anak-holdaper na mga yan!”. Sa pagkakasabi niyang iyon, saktong pagdating naman ni Marina galing trabaho at napailing na lang at nakadama ng kunting awa sa anak.

“Inay, bakit po ganon na lang ang sinabi ng tatay ni Melai, yong bago naming kalaro na anak ng nasa malaking bahay?”, tanoing ni Pepe sa ina.

“Bayaan mo na anak. Ganyan talga sila.” Ang sagot ni Marina.

Isang araw ng Linggo, nakatunghay si Melai sa mga batang nakasalamuha sa paglalaro. Sa pagnanasang makalahok sa kasiyahan ng mga bata, lumabas ulit si Melai na hindi nalalaman ng ama na sa mga oras na yaon ay nagdadalamhati pa rin sa pagkawala ng asawa.

Nakipaglaro si Melai sa mga bata at andon din si Pepe. Masaya silang lahat. Sa wakes ay makakapaglaro na rin ng chinese garter si Melai na matagal na niyang gustong gawin. Si Pepe naman ay sipa ang laro.

Sa hindi inaasahang pangyayari, may rumaragang sasakyan na patungo sa grupo nila Melai. Nagsipagtakbuhan ang lahat maliban kay Melai na napatulala sa papalapit na sasakyan. Nasagi si Melai at bahagyang tumilapon sa tabi ng daan.

Si Pepe ang unag tumakbo sa kinaroonan ni Melai. Sa pagkagulantang, tinawag agad nito si Marina at agad naming sinaklolohan si Melai. Isinugod agad nila ito sa hospital. Naipaalam na rin ay Dio ang nangyari sa anak.

Pagdating ni Dio sa hospital, maayos na si Melai. Hinidi naman malubha ang pagkakasagi sa kanya. Nagkamalay na rin ito at niyakap ang ama. At doon ay nalaman ni Dio kung sino ang tumulong sa anak.

Napagtanto ni Dio na nagkamali siya sa sinabi sa mga kalaro ng anak. Hindi naman pala anak holdaper ang mga nakalaro ng anak. Humingi siya ng paumanhin sa mag-inang Marina at Pepe. At naintindihan naman ng mag-ina and pagsamo ni Dio.

Sa araw ding iyon, naumpisahan din ni Dio ang pangarap na gustong makamit.

__________
Alma Evita Maniago or Alev is a Contract Analyst from CIS. She is a member of the Writers Guild Collective where she is a certified storyteller. The second story was adjudged best among six (6) entries written during our Introduction to the Short Story workshop last October 7, 2006.

Guest speaker and evaluator of entries that day was no other than Palanca for Short Stories-awardee Genaro Gojo Cruz, who is also a Professor at the Philippine Normal University and De La Salle.

No comments: