Monday, July 17, 2006

POETRY OF, BY AND FOR THE PEOPLE

Alexander dela Cruz de Juan
English Editor, Healthcare Documentation

BIYAHENG SIDECAR
(Alay sa sidecar boys sa Kalye Estrada, Malate)

Bumiyahe nang konting bagahe;
t-shirt at short ay okey na sa magaang pamamasada.

Tig-isang padyak lang; paa ay dalawa lamang.
Di naman ’to pabilisan kundi papursigihan.

Magpahinga rin paminsan-minsan
nang luminaw ang desisyon sa direksyong pupuntahan.

At di ka naglalakbay nang mag-isa;
may pasahero kang kasama.

Lubak-lubak man ang kalsada
ikaw naman ang gumagawa ng sarili mong daan.

At sa unahan, may magandang pasaherong nag-aabang,
kaya’t ’wag kang tumigil, pumadyak ka lang.

(Mayo 30, 2006)


MUTYA

Ang mutya ng makata
ay para sa mata lamang

Ang tanging pagnanasa ng makata
ay ang hubad na salita
at hindi ang hubad na katawan
ng kanyang mutya.

Alam ng makata
na nananatili ang ganda
ng hubad na kagandahan
kung babasahin lamang
at hindi hahawakan.

Kaya nga't nakasulat sa ilalim
ng naka-eksibit na nude painting:
"PLEASE DO NOT TOUCH."


AKO ANG PRESIDENTE NG AKING SARILI

Inay,
di po ba't sabi n'yo akong pangulo ng sarili ko
pero bakit po sila may Edsa Tres at Kwatro?

Inay,
kung ang pangulo ng bahay
ay ang mabait kong tatay
dahil 'pag sumigaw ako
ng "Ito ang gusto ko!"
sagot n'ya'y "Isipin mo
ang mga kapatid mo."
Kailangan pa ba natin ng Pangulo ng Pilipinas?

Inay,
kung ang presidente ng dyip
ay ang drayber na mabait
dahil 'pag sumigaw ako
ng "Para! Para! Para!"
ay sasagot s'ya,
"Sa Tabi lang po, ha."
Kailangan pa ba natin ng Pangulo ng Pilipinas?

Inay,
kung ako ang presidente ng aking sarili
ba't panagarap po nilang mag-Edsa Beinte-Syete?

(May 1, 2006)

1 comment:

Anonymous said...

I really love the rhymes and the depth of poems, Alex. For this, I give you a 9/10. Kodus!